Aiko Melendez grumbles again about reported statement of political rivals

Tila naapektuhan na ng pulitika ang pagkakaibigan nina Aiko Melendez at Herbert Bautista.

Aiko is running for vice mayor of Quezon City sa ticket ni Mike Defensor, na tumatakbo bilang mayor. Si Herbert naman ay mayoral candidate din sa naturang lungsod at ang running mate niya ay si Joy Belmonte-Alimurung, anak ng incumbet Quezon City mayor na si Sonny Belmonte.

Kamakailan, kinuwestiyon ng dating aktres ang desisyon ng kanyang karibal na si Joy na tumakbo. Pero sa ngayon, kay Herbert nakatuon ang kanyang mga pahayag.

Ang mahabang kuwento niya sa reporter na ito, “Nag-react lang naman ako sa sinabi ni Herbert na ako raw ay tamad at walang nagawang projects. Kasi, hindi naman totoo ‘yan. Hindi lahat ng nagagawa ko ay napa-publicize, pero na-realize ko na kailangan din pala, since may mga taong kumukuwestiyon.

“Ang sa akin lang, ang feeling ko, elected councilor ako, nahalal ako ng tatlong beses, kaya hindi ‘yan ang prayoridad ko. Noong kalakasan ng bagyong Ondoy at sumunod yung Pepeng, may mga tumira sa akin nang ganyan, at mabuti na lang, ang mga ginagawa ko ay documented din.

“Napilitan akong ilabas ang mga yun para ipamukha sa mga kumukuwestiyon sa nagagawa ko yung mga kasinungalingan nila. Hindi naman ako mahilig sa publicity para lang ipagmalaki ang achievements ko. Confident ako na marami ang nakakaalam sa kung ano ang worth ko, kaya nga malakas ang loob kong tumakbo for a higher position,” sabi ni Aiko.

QUESTION FOR HERBERT. Kung hindi man siya mahalal bilang vice mayor, ibig sabihin, may ibang plano ang Panginoon para sa kanya.

“Siguro nga, yun na ang time para mag-focus ako sa pamilya,” nangingiting sabi ng konsehala. “Pero hindi ako nagsasalita nang ganito dahil sa wala akong ginagawa to ensure naman my victory this coming elections. Natural lang na lumaban ako sa paraang kaya ko. Hindi ko kailangang dumaan sa maruming pamamaraan just to hit back. Pero kung sisiraan lang ako, well, kaya ko namang rumesbak para lang maipagtanggol ang sarili ko.”

Isa sa gustong malaman ni Aiko ay kung saan napupunta ang milyun-milyong pondo para sa mga proyekto ni Herbert bilang vice mayor ng Quezon City.

“Natural lang na dapat malaman ko yun. Lalabas din naman ‘yan, lalo na ngayong pare-pareho kaming tumatakbo sa eleksyon. May mga hindi totoo, may mga totoo, kaya bahala na ang publiko para maghusga,” nasabi ni Aiko.

HERBERT’S REACTION. Makailang-ulit na hiningan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ng reaksiyon ang kampo ni Herbert, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sila nagbibigay ng statement. Sinimulan naming tawagan noon pang nakaraang linggo ang opisina ng vice mayor sa City Hall, at nagpadala rin kami ng mga tanong sa pamamagitan ng e-mail.

Ayon kay Choot de Vera, secretary to the vice mayor na naka-assign sa pagsagot ng mga tanong ng media para kay Herbert, palagi raw nasa labas ng City Hall ang trabaho ni Herbert kaya hindi niya masagot-sagot ang aming mga tanong.

Sa huli, nakatanggap ang PEP ng balitang magpapa-presscon na lamang daw ang kampo ni Herbert upang sagutin ang lahat ng batikos ni Aiko laban sa kanya, at sa kanyang ka-tandem na si Joy Belmonte. Ito ay ayon kay Ms. Tates Gana, ang partner ni Herbert, na nakausap ng entertainment writer na si Erlinda Rapadas.

Bukas pa rin ang PEP para sa reaksiyon ng kampo ni Herbert sa mga sinabi ni Aiko.

SUPPORT FROM AIKO’S FAMILY. Marumi nga ang pulitika, kaya nalulungkot si Aiko na ito ang nature ng mundong napasukan niya.

“Pero ang importante, pinaninindigan ko ito. Mawala man ako dito, at least alam kong maganda ang naging record ko.

“At ang maganda pa rito, laging nariyan ang family ko. Alam kong hindi ako iiwan kahit ano pa ang mangyari. Stick ako sa mga anak ko, kina Andrei at Marteena. Sila pa rin ang tututukan ko, may political career man ako o wala,” pagdidiin pa niya.

Siyempre pa, suportado rin niya ang boyfriend na si Patrick Meneses, ang incumbent vice mayor ng Bulacan, sa pagtakbo naman nito bilang mayor sa darating na halalan.

“Wala namang kasalang magaganap bago mag-eleksyon,” nangingiting sabi ni Aiko. “Okey lang muna kami nang ganito, suportahan, at hindi kailangang gamitin ang relasyong ito to the extent of promoting our political careers.”

Comments are closed.