Kim Chiu insists Gerald Anderson is not yet her “dyowa”

kimeraldMuling pinatunayan nina Kim Chiu at Gerald Anderson ang lakas ng tambalan nila dahil malakas sa takilya ang latest movie nila mula sa Star Cinema, ang Paano Na Kaya?. Ayon sa Star Cinema, kumita raw ng P12 million ang pelikula ng dalawa sa first day pa lang nito.

Masaya siyempre si Kim sa tagumpay ng pelikula nila ni Gerald.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng nanood ng movie namin ni Gerald, lalo na sa Kimeralds [tawag sa fans nila]. Masaya ako dahil sa lahat ng efforts na ginagawa namin ay nabibigyan siya ng sukli. Natutuwa kami sa reaction ng mga tao,” sabi ni Kim nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) nung Linggo, January 31, pagkatapos ng ASAP XV.

Sikat na nga ang loveteam nina Kim at Gerald. Halos lahat ng proyektong kanilang ginagawa ay nagiging tagumpay. Ang huling serye na ginawa nila sa ABS-CBN, ang Tayong Dalawa, ay naging matagumpay rin noong nasa ere pa ito. Maganda rin ang pagtanggap ng mga manonood sa bago nilang primetime series na Kung Tayo’y Magkakalayo. Dahil dito, may mga nagsasabing naka-”three in a row” na raw sina Kim at Gerald.

Ano ang masasabi ni Kim dito?

“Oo nga, e. Kaya nga linggo-linggo ay nagsisimba na talaga kami ni Gerald. Kailangan na talaga naming magsimba dahil naku, baka…” tawa ni Kim, na ang ibig sabihin ay baka bawiin ang kung anumang biyayang tinatanggap nila ngayon.

Masasabi ba niya na narating na ng loveteam nila ang peak ng kasikatan?

“Hindi po! Hindi!” mariing sagot niya. “Pero thankful na ako sa lahat ng nangyayari sa loveteam namin. Kuntento na rin ako sa naabot namin ngayon. Pero siyempre, hindi ko pa rin masasabi na ito na ang pinaka-the best. Alam namin na mayroon pang darating na mas sa aming dalawa.”


KIMERALD VS. ALKRIS. Kung sa ABS-CBN ay ang loveteam nina Kim at Gerald ang itinuturing na pinakasikat na tambalan. Sa GMA-7 naman ay ang loveteam nina Aljur Abrenica at Kris Bernal ang sinasabing pinakasikat at itinatapat sa kanila. Ano ang masasabi ni Kim dito?

“Kami, nagpapasalamat na lang dahil ang dami naming supporters, like mga Kimeralds. Dumarami nga sila ngayon, e. May bagong grupo nga ngayon, e, solid Kimeralds. Dumarami ang inspirasyon namin. Hindi namin iniisip na may kumpitensiya, may kalaban kami na loveteam, ganoon,” saad niya.

Pero may nagsasabi na malayo na ang gawat ng loveteam nila ni Gerald kunpara sa tambalan nina Aljur at Kris kung kasikatan lang din ang pag-uusapan. Sang-ayon ba si Kim dito?

“Hindi naman malayo,” sabi niya. “Nauna lang kami sa kanila. Pero mararating din nila yun. Marami rin naman silang followers, di ba? Dun nga sa Bench fashion show, sinisigawan sila.”

Parehong galing sa reality shows ang apat na young stars. Sina Kim at Gerald ay galing sa unang season ng Pinoy Big Brother Teen Edition samantalang sina Aljur at Kris naman ay mga produkto ng StarStruck 4.

Comments are closed.